"Isang Dipang Langit" ni Amado V. Hernandez
GREGORIO, PRINCESS ANN M. BSCRIM 2-C
Isang Dipang Langit
ni: Amado V. Hernandez
Ako’y ipiniit ng linsil na puno
hangad palibhasang diwa ko’y piitin,
katawang marupok, aniya’y pagsuko,
damdami’y supil na’t mithiin ay supil.
Ikinulong ako sa kutang malupit:
bato, bakal, punlo, balasik ng bantay;
lubos na tiwalag sa buong daigdig
at inaring kahit buhay man ay patay.
Sa munting dungawan, tanging abot-malas
ay sandipang langit na puno ng luha,
maramot na birang ng pusong may sugat,
watawat ng aking pagkapariwara.
Sintalim ng kidlat ang mata ng tanod,
sa pintong may susi’t walang makalapit;
sigaw ng bilanggo sa katabing moog,
anaki’y atungal ng hayop sa yungib.
Ang maghapo’y tila isang tanikala
na kala-kaladkad ng paang madugo
ang buong magdamag ay kulambong luksa
ng kabaong waring lungga ng bilanggo.
Kung minsa’y magdaan ang payak na yabag,
kawil ng kadena ang kumakalanding;
sa maputlang araw saglit ibibilad,
sanlibong aninong iniluwa ng dilim.
Kung minsan, ang gabi’y biglang magulantang
sa hudyat – may takas! – at asod ng punlo;
kung minsa’y tumangis ang lumang batingaw,
sa bitayang moog, may naghihingalo.
At ito ang tanging daigdig ko ngayon –
bilangguang mandi’y libingan ng buhay;
sampu, dalawampu, at lahat ng taon
ng buong buhay ko’y dito mapipigtal.
Nguni’t yaring diwa’y walang takot-hirap
at batis pa rin itong aking puso:
piita’y bahagi ng pakikilamas,
mapiit ay tanda ng di pagsuko.
Ang tao’t Bathala ay di natutulog
at di habang araw ang api ay api,
tanang paniniil ay may pagtutuos,
habang may Bastilya’y may bayang gaganti.
At bukas, diyan din, aking matatanaw
sa sandipang langit na wala nang luha,
sisikat ang gintong araw ng tagumpay…
layang sasalubong ako sa paglaya!
IKALAWANG GAWAIN
1. Basahin at suriin ang mensahe ng tulang “Isang Dipang Langit” ni Amado V.
Hernandez.
- Suriin kung anong uri ng tula? Anong Teoryang pampanitikan ang angkop
gamitin sa pagsusuri?
= Ang tulang "Isang Dipang Langit" ni Amado V. Hernandez, ay isang uri ng tulang "Moralistiki" dahil ang tulang ito ay naglalahad ng kanyang damdamin noong siya ay nabilanggo, at dahil pinahayag din sa tula ang kanyang karanasan at pagsubok na kanyang napagdaanan sa kanyabg buhay at sinulat niya din sa tulang ito kung paano niya hinarap ng matatag at may pananalig sa Bathala.
Ang teoryang pampanitikan na angkop gamitin sa pagsusuri ng tulang "Isang Dipang Langit" ni Amado V. Hernandez, ay nag teoryang Bayograpikal, dahil layunin ng panitikan na ito ay ipamalas ang karanasan ng isang tao, ay yun din ang nakasulat sa tulang akda ni Amado V. Hernandez na Isang Dipang Langit, na naglalahad ng kanyang karanasan sa kanyang buhay sa bilangguan.
- Anong taglay na diwa/tema ang inilalarawan ng persona sa tula.
= Ang "Isang Dipang Langit" na akda ni Amado V. Hernandez, ay may temang naglalarawan tungkol sa kanyang sarili na nabilanggo, mga pagsubok na naranasan niya sa bilangguan, na naging dahilan na isipin niyang katapusan na ng kanyang buhay, ngunit isa din sa tema ng tulang ito ay nag pananalig niya kay Bathala.
- Piliin ang pinakamagandang saknong na iyong nagustuhan at bigyan kung
bakit mo ito napili.
= Ang saknong na pinakamaganda sa binasa ko na tulang "Isang Dipang Langit", ay ang pang-siyam na saknong.
Ang tao’t Bathala ay di natutulog
at di habang araw ang api ay api,
tanang paniniil ay may pagtutuos,
habang may Bastilya’y may bayang gaganti.
Pinakamaganda ito para sa akin, dahil dito sinulay ng may akda ang salita na tungkol sa Bathala o Diyos, Diyos na pinaniniwalaan niyang hindi natutulog, at dito ko din nabasa ang mga salita na tungkol sa hindi araw-araw ay magiging api ka nalang o hindi sa araw-araw ay hirap at pagsubok ang darating sa buhay mo, dahil may oras din na ibibigay ang panginoon na maging malaya ka sa kulongang puno ng pagsubok.
2. Ipakilala ninyo sa akin si Amado V. Hernandez sa loob ng 50 na salita.
= Si Amado Vera Hernandez, karaniwang kilala bilang Amado V. Hernandez, ay isang Pilipinong manunulat at pinuno ng paggawa na kilala sa kanyang pagpuna sa mga kawalang katarungan sa lipunan sa Pilipinas, sya ay hinirang na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 1973.
Si Amado "Makata Ng Mga Manggagawa" V. Hernandez, ay kilala sa mga tula at nobelang kanyang ginawa, isa na dun ay ang tulang tinuturi niyang pinakamahalaga sa kanya ang tulang "Isang Dipang Langit" (1961).
3. Gawing maikling kuwento ang tulang “Isang Dipang Langit” ni Amado
Hernandez.
- Ang maikling kuwento ay halaw sa Isang Dipang Langit.
Isang Dipang Langit
ni: Amado V. Hernandez
Amado V. Hernandez, isang Pilipinong manunulat ng mga tula at nobela, ngunit kalaunan ay nabilanggo dahil sa kasalanang hindi niya ginawa.
Si Amado V. Hernandez, ay kinulong ng walang kalaban-laban sa kasalanang hindi niya ginawa, kasalanang hindi niya maitanggi dahil sa kahinaan ng kanyang kalooban at naging kalalabasan ng kanyang pagsuko at pagiging isang bilanggo.
Kinulong si Amado V. Hernandez, sa kulungang malupit: bato, bakal, punlo, balasik ng bantay. Kinulong sa kulungan naging dahilan ng kanyang pagkamatay sa kanyang isip.
Sa kanyang pagiging bilanggo sa malupit na bilangguan, maraming pagsubok ang sumubok sa kanyang katatagan, pagsubok na sa kulungan niya lang naransan, sa bawat araw, linggo, buwan, at taon sa bilangguan maraming luha ang nasayang, maraming luha ang pumatak at natuyo dahil sa tanod na malulupit, maraming dugo ang kumalat at natuyo sa bawat bilangguan, na nanggaling sa mga bilanggo. At sa mga araw niya sa bilangguan hindi mawawala ang araw na may tatakas, pagtakas na naging dahilan ng pagkamatay ng ibang mga bilanggo.
Bilangguang naging libingan ng buhay, buhay na walang kalaban-laban, ngunit sa bawat pagsubok na dumaan sa kanyang buhay sa bilangguan, hindi siya nakakaramdam ng takot at hirap sa kanyang diwa, dahil para sa kanya ang bawat pait ng buhay at pagsubok ay tanda ng di pagsuko.
Ang Bathala o ang Diyos at kanyang mga tao ay hindi natutulog, yan ang paniniwala ni Amado V. Hernandez, para sa kanya hindi sa bawat araw ay magiging api ka, dahil lahat ng pagsubok at pait sa buhay ay may wakas, sa bawat tapang at tatag sa buhay matatanaw ang kalayaan, wala ng luhang papatak, at sisikat ang araw ng tagumpay at araw ng kanyang paglaya.
Yan ang kwento sa tulang "Isang Dipang Langit" na akda ni Amado V. Hernandez, tungkol sa buhay niya sa bilangguan, buhay na puno ng pagsubok na sumubok sa kanyang katatagan, ngunit kahit anong pagsubok ang napag-daanan niya hindi nawala ang kanyang pananalig sa Diyos at hindi siya nawalan ng pag-asang makalaya at makamit ang tagumpay.
Comments
Post a Comment